PinasLakas na Proteksyon sa Bakunahang Bayan Ngayong Setyembre 26-30, 2022!
22 September 2022
|
By
Sa Boosters: PinasLakas
|
14,766

Sa Bakunahang Bayan, bawat Pilipino, mas PinasLakas ang proteksyon!

Upang mas paigtingin ang pagbabakuna sa mga senior citizens at booster doses, isasagawa ang Bakunahang Bayan: Special Vaccination Days mula September 26 hanggang 30. 

 

Sa paglungsad ng Bakunahang Bayan, sama-samang kikilos ang buong bayan upang lalo pa nating mapalapit ang bakuna sa bawat Pilipino! Sa ating pagtutulungan, mabubuo natin ang wall of immunity upang patuloy nating pamumuhay nang malaya mula sa paghihigpit sa trabaho, eskwelahan, at mga pasyalan! 

 

Mga prayoridad na grupo, magpabakuna na! 

Prayoridad ng Bakunahang Bayan ay makatanggap ng unang booster dose ang mga indibidwal na maaari nang magpa-booster pati na rin ang pag-kumpleto ng primary series para sa mga senior citizen!

Napatunayan nang epektibo ang ating mga bakuna ngunit napag-aralan ding hindi ito tumatagal - ika nga ‘e walang forever! Kaya importanteng makakuha tayo ng mga booster para updated ang proteksyon natin mula sa malubhang COVID-19 at malaya tayong makakalabas nang bawas ang pangamba!

Binibigyang halaga natin ang proteksyon para sa ating mga senior citizens dahil sila rin ang may pinakamataas na tiyansang ma-ospital o mamatay dala ng COVID. Kaya kailangang matanggap ng seniors ang kanilang primary series na dosis para sa kanilang proteksyon.

Sa tulong ng PINASLAKAS vaccination site, mas mabilis mo nang makukuha ang iyong bakuna

Sa pamamagitan ng settings-based approach, mas madali nang magpabakuna sa tulong ng PINASLAKAS vaccination sites na malapit sa iyo. Maaaring magpabakuna sa mga PINASLAKAS vaccination sites ng inyong LGU. Maaaring makahanap ng bakuna sa mga terminal, palengke, plaza, paaralan, opisina, pabrika, botika, lugar ng sambahan, at iba pang mahahalagang lugar sa pamayanan. Ang mga pinalapit na mga bakunahan ay may kumpletong kakayanang magbigay serbisyo mula sa screening, pagbabakuna, hanggang sa pagtugon sa mga AEFI.

Sa linggo ng Bakunahang Bayan, may mga partner tayong magbibigay ng mga insentibo sa mga magpapabakuna! Abangan ang mga promosyong ito mula sa Shopee, SM Malls, at iba pang partner ng Department of Health!

 

Makiisa, magpabakuna, at mag-volunteer na

Sa malawakang pagbabakuna sa Bakunahang Bayan, ang bawat isang miyembro ng komunidad ay may kakayahang tumulong! 

Una, bigyan ang sarili ng optimal na proteksyon magpabakuna na sa tamang oras. Ikalawa, maging influencer sa inyong pamilya at hikayatin na updated ang bakuna ng bawat kapamilya! Huli, pwede kang magvolunteer sa inyong LGU upang makatulong sa bakunahan! 

Ang mga volunteer ay maaaring tumulong sa house-to-house, pagiging bakunador (kung sila ay mga health professional), pagiging encoder, o kaya sa paraan ng pagdonate sa ating mga vaccination sites.

Wag nang magdalawang isip pa! Tara na’t maki-isa sa Bakunahang Bayan! 

___________________________________________________________________________________________________________________________

SINU-SINO ANG MGA BABAKUNAHAN?

Bibigyang priyoridad sa Bakunahang Bayan ang mga senior citizen at mga taong hindi pa kumpleto ang primary series.

Pero pwede ring kumuha ng 1st booster dose ang mga edad 12 pataas, magpabakuna ng primary series ang mga edad 5 pataas, at kumuha ng 2nd booster dose ang mga medical frontliner, immunocompromised, mga edad 50 pataas, at mga may edad 18 hanggang 49 na may comorbidities.

 

PAANO NAIIBA ANG BAKUNAHANG BAYAN SA KASALUKUYANG PAGBABAKUNA SA COVID-19?

Ang Bakunahang Bayan ay bahagi pa rin ng kasalukuyang pagbabakuna laban sa COVID-19 ngunit mas pinaigting para mas marami ang mababakunahan sa bawat araw kumpara sa karaniwan. Gagawin ito sa Setyembre 26 hanggang 30, 2022 upang maabot ang 90% coverage ng mga senior citizen at 50% booster coverage ng general population.

 

KUNG HINDI AKO MAAARING MAGPABAKUNA O MAGPA-BOOSTER SA MGA ARAW NG BAKUNAHANG BAYAN, MAAARI BA AKONG BAKUNAHAN SA IBANG ARAW?

Oo, maaari pa rin kayong mabakunahan ng bakuna o booster kontra COVID-19 sa ibang araw dahil ang pagbabakuna kontra COVID-19 ay tuluy-tuloy pa rin. Ngunit kung kayo ay hindi pa kumpleto ang primary series o wala pang booster dose, habang may oportunidad, magpabakuna at magpa-booster na agad sa lalong madaling panahon.

 

SINU-SINO ANG MGA MAAARING TUMANGGAP NG BOOSTER DOSE?

Maaaring bakunahan ng booster dose ang lahat ng edad 12 pataas na kumpleto na ang primary series. Babakunahan sila basta’t ang rekomendadong pagitan ng pagkumpleto ng unang bakuna (primary dose series) at ang booster dose ay masusunod.

Sa ngayon, hindi pa maaaring kumuha ng booster doser ang mga edad 5-11.

MAAARI BA AKONG MAGPABAKUNA SA KAHIT SAANG VACCINATION SITE? PUWEDE BA ANG WALK-IN?

Sa pamamagitan ng settings-based approach mas marami at mas malapit na ang mga vaccination site sa bansa, tulad ng mga opisina, pabrika, palengke, mall, pook sambahan, paaralan, at transport terminal. Makipag-ugnayan sa inyong LGU para malaman kung saan ang mga vaccination site sa inyong lugar, kung tatanggapin ang mga walk-ins, at kung paano magpa-rehistro kung kailangan.



MAGKAKAROON BA NG NAKALAANG VACCINATION SITE PARA SA MGA ADULT, KABATAAN, AT BOOSTER SHOTS?

Ang pagtatalaga ng sariling vaccination site ay nakasalalay sa LGU. Subaybayan ang opisyal na anunsyo sa inyong LGU. 

 

ANO ANG MGA KAILANGAN DALHIN SA ARAW NG PAGBABAKUNA?

  • Para sa mga senior citizen at mga edad 18 pataas, dalhin ang:
    • Vaccination card o vaccine certificate mula sa vaxcert.doh.gov.ph
    • Valid ID, at
    • Medical clearance, kung kinakailangan

 

  • Para sa mga edad 5-17, dalhin ang:
    • Dokumentong nagpapatunay ng relasyon sa babakunahang bata,
    • Valid ID o dokumentong may litrato ng magulang o guardian at ng babakunahang bata
    • Medical certificate kung kinakailangan
    • Vaccination card o vaccine certificate mula sa vaxcert.doh.gov.ph para sa mga edad 12-17 na kukuha ng additional / booster dose
  • Kung hindi masasamahan ng magulang ang bata, pinakamainam magdala ng SPA. Kung walang SPA, dalhin ang sumusunod:
    • Authorization Letter
    • Affidavit ng magulang/guardian na may panunumpa kasama ng isang public official tulad ng notary public o awtorisadong kawani at valid government ID, at
    • Barangay Certification




Makiisa, magpabakuna, at mag-volunteer sa inyong LGU para sa mas madali at masiglang bakunahan sa inyong pamayanan!