Sa tuwing sasapit ang panahon ng kapaskuhan ay napapadalas ang mga selebrasyon at siyempre ang ating pagkain! Madalas ay kaakibat ng mga pagdiriwang na ito ang pagbaba ng ating pisikal na gawain o ang ating pagkilos. Dahil dito, nawawala sa balanse ang ating katawan at maaaring magdulot ng di kaaya-ayang epekto sa ating kalusugan. Para mapanatili natin sa mabuting kalagayan ang ating katawan at kalusugan, maari nating sundin ang ilang mga paalalang ito ngayong kapaskuhan!
1. Gumawa ng Plano
Planuhin nang mabuti at kung maari ay itala natin ang ating mga gawain upang wala tayong malilimutan sa isang araw kahit na tayo ay maging abala sa mga preparasyon at mga kaganapan ngayong kapaskuhan. Tiyakin na ang mga pisikal na gawain ay hindi mawawala sa ating mga plano! Ang simpleng paglalakad ay makakabuti na! Matapos magplano, pilitin nating sundin ang mga ito sa abot ng ating makakaya. Magplano para panalo ang ating kalusugan!
2. Gamitin ang bawat pagkakataon para gumalaw
Wag natin iwasan ang pagkilos. Gamitin at ating pahalagahan ang mga pagakakataon na maari tayong kumilos at maging aktibo. Wag natin ipagpaliban ang pagkilos; kung maaring maglakad ay maglakad; kung maaaring maghagdan ay akayatin natin ito; kung may pagkakataon na maparami at mapadalas ang pagkilos, lubusin natin ito at pahalagahan! Kumilos tayo hangga’t maaari!
3. Gawaing bahay
Ang ating mga gawaing bahay (Hal. pagwawalis, paglalaba, paglalampaso at pagliligpit ng bahay) ay isa sa mga napakaganda at madaling paraan ng pagkilos. Ngayong kapaskuhan ay madaling makaligtaan ang mga gawaing bahay sa ating mga plano. Tiyakin natin na tayo ay maglalaan ng sapat na oras sa pang araw-araw na plano para sa mga gawaing bahay upang maparami ang ating pisikal na aktibidad sa paraang kapakipakinabang sa ating tahanan. Aktibo ka na, kapakipakinabang pa sa bahay!
4. Magsuot ng kumportableng kasuotan
Pinakasimple pero napakalaking tulong kung tayo ay laging nakabihis nang komportable. Kung tayo ay komportable sa ating kasuotan, hindi tayo iiwas sa pagkilos at ano pang mga pisikal na gawain! Magsuot nang komportableng damit at sapatos o tsinelas para tayo ay ganahang maglakad at kumilos-kilos! Kung tayo ay laging kumportable sa ating suot, tayo ay mas madaling makakakilos. Kung Kumportable ka, makakakilos ka!
5. Kumain bago ang kainan
Kadalasan, sa ating pagkasabik sa bonggang handaa, ay ginugutom natin ang ating mga sarili bago ang mga piging o kainan! Dahil dito, napapasobra tayo ng kain. Madalas ay nais nating “paghandaan” ang mga piging sa pamamagitan nang hindi pagkain bago dumalo, pero dahil dito tayo naman ay napapasobra ang kain gawa nang gutom at pagkasabik sa pagain. Kumain nang bahagya bago ang mga pagdiriwang o handaan na dadaluhan para hindi tayo managgigil at maparami ang kain. Hindi naman nakakasama ang mag-enjoy at ayaw rin naman naming maging KJ, pero hindi rin nakakabuti ang labis! Kumain para hindi ka gutumin!
6. Mag-ehersisyo ka
Isama sa ating pangaraw-araw na plano ang pag-eehersisyo ngayong kapaskuhan at bagong taon. Hindi naman kailangan na maglaan ng mahabang oras para rito araw-araw, ang importante ay may routine tayong nabubuo! Subukan nating bumuo ng ugali na may pagpapahalaga sa kalusugan at pagkilos. Humanap tayo ng aktibidad na pasok sa ating iskedyul, kapaligiran at kakayahan para madali natin itong magawa at maulit! Mag-ehersisyo ka na lang kesa magbisyo!
Ating pahalagahan ang mga pagkakataon na maari tayong kumilos at maging aktibo. Baguhin ang pananaw sa pagkilos at laging tandaan na kailangan natin ito para maging malusog at malakas. Atin ding bantayan ang mga kinakain dahil ang kahit na anong sobra o kulang ay hindi rin makakabuti. Kumilos at kumain nang mahusay ngayong kapaskuhan at sa mga darating pang mga buwan upang tayo ay magkaroon ng mabuting kalusugan!
Siguruhin ang Ligtas Christmas para sa Healthy Pilipinas! Sundin ang Mask, Hugas, Iwas, Airflow, Plus Bakuna! Piliing maging happy, healthy, at safe ngayong pasko!
Sulat ni Coach Jolo Rivera
Si Coach Jolo ay isang strength and conditioning coach sa Underdog Fitness PH kung saan patuloy silang nagtuturo ng wasto at ligtas na pagkilos sa tulong ng Sports Science.