Bakuna dito, Bakuna dyan: Bakit ba kailangang bata pa lang, may bakuna na?
25 April 2022
|
By
Healthy Pilipinas
|
368
Sa buong buhay natin, hindi maiiwasan ang madapuan ng iba’t ibang sakit o karamdaman. Madalas, pangkaraniwang ubo, sipon, o sakit ng ulo lang ito na madaling nawawala. Sa mga simpleng paraan tulad ng pagkain nang tama, pagtulog nang sapat, madalas na paghuhugas ng kamay, at iba pa, maaari tayong makaiwas sa sakit.
Pero sa mga taong mahina ang resistensya o panlaban sa sakit tulad ng mga sanggol, bata, senior citizen, hindi ganun kadaling maging protektado. Maaaring kailangan pa nila ng dagdag na proteksyon. At isa sa pinakamabisang paraan para patibayin ang panlaban nila ay ang pagpapabakuna.
Mahalaga ang magpabakuna, bata pa lang
Ang bakuna ay gamot na binibigay para makaiwas sa mga vaccine-preventable diseases (VPDs) tulad ng tigdas, polio, flu, pulmonya at iba pang mga nakahahawang sakit. Pagkapanganak pa lang ng bata hanggang sumapit ang unang kaarawan, binibigyan na sila ng routine na bakuna para maiwasan ang peligrong dulot ng iba’t ibang uri ng sakit, lalo na’t mahina pa ang kanilang panlaban. Mainam na kumpletuhin ang schedule at dose ng mga bakunang ito.
Bukod sa mga bata, may mga bakuna ring binibigay sa special populations tulad ng mga:
babaeng edad 9 hanggang 14 - para iwas HPV (isang sexually transmitted disease);
buntis - para iwas tetano, at;
mga may edad 60 pataas - para iwas flu at pulmonya.
Hindi na rin kailangan alalahanin kung safe ba ang bakuna dahil lahat ng bakunang binibigay ng Department of Health (DOH) ay nagdaan na sa matinding pagsusuri sa ibang bansa at maging dito sa ating bansa. Matagal na itong napatunayan na ligtas, mabisa, at epektibo. Maaaring makaranas ng mild o banayad sa side effects sa bakuna, pero kadalasan, hindi ito delikado at agad na nawawala sa loob ng ilang araw.
Hindi lang ikaw ang makikinabang sa bakuna
Sa pag-iwas sa sakit, iwas abala at pag-aalala din hindi lang ikaw kundi pati na rin ang buong pamilya. Hindi na kailangan magliban sa paaralan o trabaho. Hindi na rin kailangan gumastos sa pagpapagamot.
Dagdag pa, kasama ang buong komunidad sa makikinabang sa proteksyon ng bakuna. Tandaan, apektado tayo kapag marami ang may sakit sa ating paligid. Kapag nagkaroon ng “outbreak” o malawakang pagkalat ng sakit dulot ng VPDs, maaaring magdulot ng paghihigpit sa lakaran (travel), pagtitipon (gathering o event) at iba pang gawaing pangkomunidad.
Pero kung protektado ang lahat, maiiwasan ang mga ito at magkakaroon ng herd immunity kung saan magiging madalang na ang kaso ng VPDs, kung mayroon man. Hindi na magagambala ang mga gawain ng bawat isa, maaari pang maenjoy ang mga parties, family reunions at iba pang social gathering.
Libre ang magpabakuna sa ating mga health centers
Ito ay isa sa mga benepisyo para sa mga Pilipino para mapangalagaan ng lahat ang kanilang kalusugan nang hindi nakakabigat sa budget o ipon ng pamilya.
Kasama ang pagpapabakuna laban sa iba’t ibang VPDs sa libreng primary care services na patuloy na binibigay kahit sa gitna ng pandemiya. Pumunta lamang sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar para sa mga karagdagang kaalaman tungkol rito.
Kaya’t huwag nang ipagpaliban ang pagpapabakuna lalo na sa mga bata at iba pang age groups. Iwas sakit, iwas gastos, iwas abala. Magpabakuna na para long life for all sa Healthy Pilipinas!